Showdown in Saitama: Donaire tinalo muli ng ‘The Monster’ Inoue sa rematch, inabot lang ng 2nd round
- Published on June 9, 2022
- by @peoplesbalita
BIGO ang Pinoy boxing champion na si Nonito Donaire na makaganti kaugnay sa rematch kontra sa Japanese superstar at undefeated na si Naoya Inoue para sa unified bantamweight title.
Ito ay makaraang bumagsak sya sa ikalawang beses sa second round nang tamaan ni Inoue gamit ang left hook. Itinigil ng referee ang laban sa oras na 1:24 sa harapan na ginanap sa Saitama Super Arena sa Saitama, Japan.
Halatang groge pa si Donaire sa second round makaraang una siyang ma-knockdown bago magtapos ang first round nang tamaan din ng kaliwang suntok ng Hapon.
Bago ito sa pagsisimula pa lang ng unang round ay agresibo kaagad sa pagsugod ang Pinoy pero sa huli nakabawi si Inoue gamit ang pamatay na kaliwang suntok.
Marami ang nag-abang sa naturang laban bunsod kasi nang pangako ng The Filipino Flash na patutumbahin niya sa unang pagkakataon ang kampeon na si Inoue para pag-isahin ang tatlong korona.