• April 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Shooting site binatikos dahil sa iniwang basura

BINATIKOS mula sa mga opisyal, residente at netizens ang production team ng pelikulang Salvage Land na dinirek ni Lino Cayetano matapos mag-iwan ng basura sa kanilang shooting site sa Zambales.

Nag-ugat ito dahil sa larawang kumalat sa social media noong June 21, 2025, kung saan makikita ang tambak na mga karton, plastic at papel na ginamit sa production ang iniwang nakakalat sa tabing ilog sa Sto. Tomas River na sakop ng Barangay Rabanes, San Marcelino Zambales.

Ayon sa mga residente, hindi ito ang inaasahang magiging asal mula sa isang professional film crew na nag-taping sa kanilang bayan.

Inatasan naman ni Mayor Elmer Soria ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) na imbestigahan ang insidente.

Iginiit ng LGU na ito ay paglabag sa Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act at sa mga umiiral na ordinansa ng bayan tungkol sa solid waste management.

Agad namang pinuntahan ni Vice Mayor Rogadio Gongora at nakumpirma ang nasabing reklamo sa social media at agad na ipinaabot sa production team anh panawagan para linisinbang lugar at magsumite ng paliwanag.

Pagkatapos, makikita sa kanyang official na Facebook page ang mga larawan ng crew na nagsagawa ng paglilinis sa lugar.

Bagama’t may naipakitang permit ang production team ng Rein Entertainment mula sa LGU, iginiit ng mga residente at lokal na opisyal na hindi ito lisensya upang balewalain ang mga patakarang pangkalikasan.

Ayon pa sa mga komentaryo online, kulang umano sa konsiderasyon ang production team pagdating sa epekto ng kanilang aktibidad sa komunidad at kalikasan.

Binigyang-diin ng lokal na pamahalaan na bagama’t bukas ang San Marcelino sa mga proyekto sa larangan ng sining at pelikula, hindi dapat isinasantabi ang responsibilidad sa kapaligiran.

Tiniyak ng LGU na magpapatupad ito ng mas mahigpit na alituntunin sa mga susunod na proyekto upang masigurong hindi na mauulit ang ganitong insidente. (Gene Adsuara)