• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 11:09 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Shabu, nabisto sa parcel na pinadala sa motorcycle taxi

NABISTO ang ilegal na droga sa parcel na ipinadala sa motorcycle taxi nang buksan ito ng 26-anyos na rider makaraang maghinala siya na ilegal ang ipinapadala sa kanya ng sender sa Valenzuela City.
Sa ulat, naghinala ang rider na hindi piyesa ng sasakyan ang dala niyang pakete dahil panay ang tawag sa kanya ng sender upang alamin kung nasaan na siyang lugar kaya ipinasiya niyang buksan ang parcel pagsapit sa Brgy. Dalandanan nitong Biyernes ng hapon.
Nagulat ang rider nang tumambad ang tatlong plastic sachets na naglalaman ngĀ  nasa 2.30 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P15,640.00 na isiningit sa kahon ng hopia, plastic bag na may lamang punda ng unan, at bote ng tubig na laman ng pakete na kanyang pinick-up sa isang alyas “Mau” sa isang hotel sa General Pio Valenzuela sa Caloocan City, para sa isang alyas “Jay” sa Apalit, Pampanga kapalit ng P364.00 na bayad.
Kaagad itinawag ng rider sa 911 ang natuklasan kaya’t mabilis itong nirespondehan ng mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento at dinala sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang shabu para sa tamang pagdokokumento.
Dinala ang nasamsam na ilegal na droga sa Crime Laboratory ng Northern Police District (NPD) para sa pagsusuri habang tiniyak naman ng pulisya na nagsasagawa na sila ng imbestigasyon para madakip ang mga suspek.
Pinuri naman ni Col. Talento ang rider sa pagiging alerto nito at ang mabilis na pagresponde ng mga tauhan ng Dalandan Police Patrol Base 6. Hinikayat din niya ang publiko na manatiling mapagmatyag at makipagtulungan sa laban kontra ilegal na droga. (Richard Mesa)