• April 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Seniors, PWDs 50% discount sa LRT, MRT handog ni PBBM

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglulunsad ng 50% discount sa pamasahe para sa senior citizens at persons with disability (PWDs) sa LRT-1, LRT-2 at MRT-3.

Ang paglulunsad ng Pangulo ay ginawa sa MRT-3 Santolan-Anna­polis southbound station kung saan sinalubong siya ni Transportation Secretary Vince Dizon at MRT-3 general Manager Michael Capati.

“Nandito po tayo ngayong umaga para i-highlight yung ­ating bagong gagawin na nagbibigay tayo ng diskwento. Noong nakaraan nakapagbigay tayo ng diskwento sa ating mga students basta’t magpakita ng student ID ay makakakuha sila ng 50% na discount,” ayon kay Marcos.

Nauna nang inilunsad ng Presidente noong Hunyo ang 50% discount sa mga estudyante na naglalayong mapagaan ang gastusin ng mga mananakay.

Sinabi pa ng Pangulo na makikinabang sa nasabing programa ang 13 milyon senior citizens at 7 milyon na PWDs.

Ang discount ay nadagdagan ng 30% mula sa 20% diskwento kung saan maaari nilang i-avail araw-araw.

Pinag-aaralan na rin aniya ng gobyerno kung maaari rin magbigay ng iba pang diskwento sa pamasahe sa iba pang pampublikong transportasyon.