Sec. Remulla, handang harapin ang imbestigasyon hinggil sa panukalang PNP gun purchase
- Published on September 4, 2025
- by @peoplesbalita
SINABI ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na handa niyang harapin ang imbestigasyon kaugnay ng panukalang P8-billion gun na napaulat na inayawan ni dating Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III.
“If I’m called by Congress and Senate para ibigay lahat ng detalye, gagawin ko,” ayon kay Remulla sa isang pulong balitaán sa Quezon City.
Handa rin aniya siya na sumailalim sa lie detector test para patunayan na maging siya ay hindi sumang-ayon sa nasabing panukala.
Ang pahayag na ito ni Remulla ay matapos na mapaulat na may kinalaman sa usapin ng pagbili ng P8 bilyong mga armas ang pagkakatangal sa puwesto ni Torre.
Itinanggi ni Remulla na ang panukalang arms procurement para sa PNP na hindi umano pinirmahan ni Torre, ang dahilan ng pagkakatanggal sa kanya sa puwesto.
Ani Remulla, natanggap ng kanyang tanggapan ang panukala isang buwan na ang nakalilipas subalit hindi naman nito binanggit kung kanino nangggaling.
“Sumulat ako kay General Torre at sabi ko sa kanya, sya ang competent na mag-judge kung ano quality ng product, kung kailangan ng product at kung pipirma siya kung i-o-order,” aniya pa rin.
Sa katunayan pa nga aniya, sinang-ayunan nya ang ginawang pagbasura ni Torre sa panukala dahil naniniwala siya na hindi naman ito kailangan.
Samantala, nilinaw din ng kalihim na walang namamagitang gusot sa pagitan nila ni Torre at posibleng pinag- aaway lamang sila gaya ng kumakalat sa social media may kinalaman sa usapin ng mga armas. (Daris Jose)