SC ibinasura ang DQ vs Marcos sa botong 13-0
- Published on June 30, 2022
- by @peoplesbalita
IBINASURA ng Supreme Court ang mga petisyon na kumukuwestiyon sa kandidatura ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. na hudyat ng malayang oath-taking niya bilang ika-17 Pangulo ng Pilipinas.
Sa botong 13-0, ibinasura ng SC en banc ang petisyon kontra sa kautusan ng Commission on Elections (Comelec) na ibasura ang petisyon sa Certificate of Candidacy ni Marcos at isa pang petisyon na humihiling naman na idiskuwalipika siya.
“The Court held that in the exercise of its power to decide the present controversy led them to no other conclusion but that respondent Marcos Jr. is qualified to run for and be elected to public office. Likewise, his COC, being valid and in accord with the pertinent law, was rightfully upheld by the Comelec,” ayon sa pahayag ng SC Public Information Office.
Pinonente ni Associate Justice Rodil Zalameda ang kautusan, ngunit hindi pa naisasapubliko ang kopya ng desisyon.
Nabatid na hindi lumahok sa desisyon sina Associate Justices Henri Jean Paul Inting at Antonio Kho Jr. (Daris Jose)