Sandoval, Tiangco at Malapitan, muling nanguna sa Top Performing Mayors sa bansa
- Published on October 29, 2024
- by @peoplesbalita
MULING hinirang ang mga alkalde ng Lungsod ng Caloocan, Malabon at Navotas bilang Top 1 Performing City Mayors sa buong Pilipinas sa “Boses ng Bayan” survey na isinagawa ng RP Mission and Development Foundation, Inc. (RPMD).
Isinagawa ang survey sa ikalawang quarter ngayong taon kung saan sakop nito ang lahat ng lungsod sa mga rehiyon sa bansa at nilahukan ng 10,000 rehistradong botante na random na pinili.
Ayon sa survey, nakakuha si Malabon Mayor Jeannie Sandoval ng 90.36% na Job Performance Rating habang nakasungkit naman si Navotas Mayor John Rey Tiangco ng 90.19% samantalang nakamit naman ni Caloocan Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ng gradong 89.63%.
Kaugnay nito, nagpasalamat naman sina Mayor Jeannie, Mayor JRT at Mayor Along sa kanilang mga nasasakupan dahil sa mataas na job performance rating na kanilang natanggap.
Anila, ang tagumpay na ito ay patunay na ang mga programa at serbisyong hatid ng kanilang pamahalaang lungsod na nakatuon sa mga pangangailangan ng kanilang mga mahal na kababayan ay epektibong naipapatupad at naibibigay sa kanila.
Ang survey ay nakabase sa opinyon ng mga nasasakupan ng mga alkalde ukol sa kanilang mga proyektong pang-imprastraktura, pang-kalusugan, serbisyo sa komunidad at kalidad ng pamunuan.
Sina Sandoval, Tiangco at Malapitan ay palaging nangunguna sa survey bilang top performing mayors sa buong bansa na isinagawa ng RPMD Foundation Inc. (Richard Mesa)