• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Sa proclamation rally ng APBP… PBBM, bumanat sa mga kandidato sa pagka-senador ng oposisyon

BINANATAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kandidato sa pagka-senador ng oposisyon sa unang araw ng kampanya ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas (APBP), na ginawa, Martes sa balwarte ng pamilya Marcos sa Ilocos Norte.

Sa proclamation rally ng APBP sa Ilocos Norte Centennial Arena ng Laoag, tahasang ipinagmalaki ng Pangulo na wala sa mga kandidato ng administrasyon ang may bahid ng dugo dahil sa EJK, nagbulsa sa pera ng bayan at nagpanggap na propeta subalit nambibiktima ng mga bata at kababaihan.

Wala rin aniya sa mga kandidato ng administrasyon ang pumapalakpak habang binobomba at inaabuso ng China ang mga Filipino na mangingisda sa West Philippine Sea.

Matatandaan na si reelectionist Sen. Ronald dela Rosa ay dawit sa madugong anti drug war campaign habang nahaharap naman sa kasong sexual abuse ang senatorial candidate na si Pastor Apollo Quiboloy na parehong kandidato ng oposisyon.

Sinabi pa ni Pangulong Marcos na malawak ang karanasan ng mga kandidato ng administrasyon at hindi katulad ng iba na nautusan lang na bumili ng suka at nabigyan na ng certificate of candidacy.

“Babalik ba tayo sa nakaraan na ibinubugaw ang ating bayan bilang isang sugalan ng mga dayuhan? Nais ba nating bumalik sa landas na umaapaw sa dugo ng mga inosenteng mga bata na inagaw sa kanilang mga ina, kinuha sa kanilang mga tahanan, at inagaw ang kanilang kinabukasan?,” ayon sa Pangulo.

Ipinagmalaki pa ni Marcos na tanging ang admi­nistrasyon lamang ang may kumpletong senatorial slate at hindi katulad ng iba na nagmamakaawa na makabuo at makakuha ng kandidato.

Ayon naman kay ‘Alyansa’ campaign manager, Navotas City Rep. Toby Tiangco, bawat kandidato sa ‘Alyansa’ ay may subok na track record at handang ipagpatuloy ang mga economic at legislative agenda ni Pangulong Bongbong. (Daris Jose)