• August 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Sa patuloy na imbestigasyon ng flood control anomaly:PBBM, ipinaubaya sa Ombudsman kung gagawing state witness si Bonoan  

IPINAUBAYA na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Office of the Ombudsman ang desisyon kung gagawing state witness si dating Public Works secretary Manuel Bonoan kaugnay sa imbestigasyon ng flood control anomaly.

“Again, it’s up to the Ombudsman to decide on how to proceed with all of these investigations,” ang sinabi ni Pangulong Marcos nang hingan ng reaksyon sa naging hakbang ng Ombudsman.

Aniya, may ‘prerogative’ si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na gawing state witness si Bonoan.

Binigyang diin ng Pangulo na malaki ang kanyang tiwala kay Remulla, sabay sabing ang desisyon kaugnay sa imbestigasyon ng flood control anomaly ay nasa kapangyarihan ng Ombudsman.

“If he feels that the former Secretary Manny Bonoan will be helpful to the cases with the other people then again to use the word again — it is his prerogative. It is his decision. It is his judgment,” anito.

Nauna nang inanunsyo ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na hihingin niya sa Sandiganbayan na alisin na sa talaan ng mga akusado si Bonoan sa kasong plunder na may kinalaman sa P573 milyong kickbacks sa flood control projects.

Si Bonoan ay kapwa akusado sa kasong plunder sina Sen. Jinggoy Estrada, dating DPWH NCR Assistant District Engineer Denryl Caesar Sanchez Cortuna, DPWH NCR District Engineer Manny Bumagat Bulusan at DPWH NCR District Engineer Arturo Lombres Gonzales Jr.

Kapwa akusado rin si Bonoan sa dalawang kasong graft na may kinalaman din sa flood control mess.

Si Bonoan ay sumailalim sa hospital arrest sa PNP General Hospital sa Kampo Krame na inaprubahan ng Sandiganbayan Fifth Division mula noong Hunyo. ( DARIS JOSE)