Sa panibagong banat ni VP Sara sa administrasyong Marcos: Malakanyang, pumalag
- Published on May 10, 2025
- by @peoplesbalita
NIRESBAKAN ng Malakanyang si Vice President Sara Duterte para sa panibagong banat nito sa administrasyong Marcos at sa pagsasabing siya at ang kanyang pamilya ay hindi problema ng bansa.
Sa naging talumpati kasi ni VP Sara sa miting de avance ng PDP Laban para sa senatorial candidates ng partido, araw ng Huwebes,
Sinabi nito na ang pambansang krisis ay hindi dapat isisi sa kanilang pamilya kundi sa mga tunay na salot ng lipunan.
Tinawag ni VP Sara na “systematic demolition job” ang mga patuloy na pag-atake sa kanila.
Bilang tugon, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na tila inilalarawan ni VP Sara ang kanyang sarili at ang pamilya Duterte.
”Opo, tayo po ay nakapanood ng kanyang mga tinuran. At ang mga negatibo niya pong nabanggit doon… sa ating pagsusuri ay mukhang ang dini-describe niya po ay ang kanyang sarili at ang pamilya Duterte,” Castro said.
Hindi man nagbanggit ng mga pangalan, ikinalungkot ni VP Sara na ang bansa ay nagkaroon ng isang lider na walang kakayahan na maunawaan ang kalagayan ng mga tao at hindi kaya na gumawa ng desisyon para sa kapakanan ng mga tao.
Binigyang diin pa rin ni VP Sara na ang bansa ay pinamumunuan ng isang tao na hayagang tumatanggi na sumailalim sa public hair follicle drug test at nagsinungaling hinggil sa posibleng gawin na P20 kada kilo ang bigas.
Patuloy namang binabatikos ni VP Sara ang gobyerno nang payagan na arestuhin ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at sa huli ay ilipat sa International Criminal Court (ICC).
Samantala, nang tanungin naman si Castro kung sasampahan ba ng kaso si VP Sara para sa di umano’y pagpapakalat ng fake news laban kay Unang Ginang Liza’ Araneta-Marcos.
Ang naging tugon ni Castro ay ”Sa ngayon po, wala pa po. Wala po.”
(Daris Jose)