Sa panawagan ng mga duterte supporters na “Marcos Resign”: PCO Usec. Castro, si VP Sara ang niresbakan
- Published on March 27, 2025
- by @peoplesbalita
BINUWELTAHAN ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro si Vice President Sara Duterte nang sabihin nito na nabigo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na pamunuan ang bansa at dapat na magbitiw na sa posisyon.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Castro na “Kung pinag-reresign po nila ang Pangulo, sino po ang makikinabang? Kahit sabihin po ni VP Sara, ‘o kayo nagsabi niyan’ siya pa rin po ang makikinabang.”
“Sasabihin po ba na walang kakayanan mamuno, papaano po natin masasabi ito, kung ang pinapairal po natin ay ang batas at very transparent po tayo sa anumang mga transakyon,” aniya pa rin.
Pinasaringan naman nito si VP Sara na tila pabor sa panawagan na magbitiw sa puwesto si Pangulong Marcos na “Hindi po mas kakayanin ng isang tao na mamuno na maraming inililihim, maraming itinatago at hindi nagpapakita ng anumang dokumento, more particularly about the funds.”
Sa ulat, isinigaw ng mga supporters ng mga Duterte sa The Hague ang “Marcos resign!” na ang tugon naman nito (VP Sara) ay “Kayo ang nagsabi niyan, hindi ako ah.”
“Bakit ba kailangan mag-resign? Dahil hindi mo pinapakita sa taumbayan na maayos kang mag-isip at kaya mo ang mamuno,” ang winika pa ni VP Sara.
Samantala, dumalo si VP Sara sa pagtitipon ng mga supporters ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa The Hague bago pa ang kanyang kaarawan sa Marso 28. (Daris Jose)