• April 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Sa pagmamahal at pag-aalaga sa pamilya: ZANJOE, naniniwala na dapat ay walang hangganan

TINANONG namin si Zanjoe Marudo kung sa tingin niya ay hanggang saan dapat ang pagmamahal at pag-aalaga sa pamilya.

“Siguro dapat walang hangganan, di ba,” umpisang sagot ni Zanjoe.
“Pag pamilya mo kasi, wala kang tatakbuhan at sino bang makakasama mo hanggang sa dulo, di ba?
“Pag wala na lahat ‘tong mga ito, pamilya pa rin talaga, e.’
Natanong namin si Zanjoe tungkol dito dahil sa papel niya bilang mapagmahal, mapagbigay at matiising anak sa pelikulang “How To Get Away From My Toxic Family” kung saan siya ang bidang karakter na si Arsenio.
Pagpapatuloy pa ni Zanjoe…
“Pero yung ganitong klaseng sitwasyon dun sa pelikula, pinilit naman ni Arsenio e, na intindihin hanggang dulo, hanggang sa kahit nga sariling pangarap niya, e kinalimutan muna niya para sa pamilya niya.
“Pero yung kaisa-isa kasing taong nagho-hold, kinakapitan niya dun, is madadamay,
kaya din siguro iyon yung naging hangganan.
“Na ito na lang kaisa-isang pinanghahawakan ko para gawin ko ‘to lahat para sa inyo, tapos nawala pa dahil lang sa ka-toxic-an ng pamilya natin, ayun.
“Kung siguro talagang apektado na yung pangsarili mo, yung mental, emosyonal, physical, lahat na, yung being mo bilang tao, tapos may pangarap ka pa, gusto mong bumuo ng sarili mong pamilya, pag lahat yun siguro medyo naisasantabi o naapektuhan dahil sa kanila, iyon siguro dapat ng magdesisyon na tama na.
“Kumbaga hindi naman ako nagdamot, binigay ko naman lahat.”
Paano ba hinaharap ni Zanjoe, sa tunay na buhay, ang toxicity? O ano ang maipapayo niya sa mga taong halos sumuko na sa mga toxicity ng buhay?
Aniya, “Nasa tao po yan, kung papayagan mo na lumagpas sila sa boundaries mo. Nasa sa ‘yo yun, mas magiging problema mo yun.
“Pero kung lilimitahan mo naman yung boundaries, lilimitahan mo, well may risk din.
“Na puwedeng ayun magkaroon ng problema yung pamilya, yung relationship. Iyon siguro yung pinaka magiging advise ko lang.
“Kung sobra-sobra naman yung kinikita mo meron ka naman talaga di ba, bakit naman hindi?
“Pero kung maaapektuhan na siguro yung sarili mong future, at sarili mong kinabukasan, di ba, iyon siguro medyo hindi na tama iyong kung pati yun e natatamaan na, yung pansarili mo.”
Ang “How To Get Away From My Toxic Family” ay produced ng OgieD Productions ni Ogie Diaz at ng KreativDen Entertainment.
Mapapanood ang pelikula, kung saan artista rin sina Susan Africa, Nonie Buencamino, Richard Quan at marami pang iba, sa mga SM cinemas sa July 30, sa direksyon ni Lawrence Fajardo.
(ROMMEL L. GONZALES)