Sa mang-iintriga na may gay benefactor: ANDREW, dugo at pawis ang puhunan sa negosyo nilang gasolinahan
- Published on June 16, 2025
- by @peoplesbalita
MAY bagong business venture ang indie/character actor na si Andrew Gan, at ito ay ang isang gasolinahan, ang EcoEnergy gasoline station. Kuwento ni Andrew, “Ang story talaga yun, before sila mag-gasoline station, nagsu-supply sila ng mga wholesale na gas, diesel sa mga stations. “Ang nag-start talaga nun siya,” pagtukoy ni Andrew sa childhood friend niyang nagngangalang David Dai, “kasi nag-work siya sa isang company before, gasoline company, as a sales agent, doon nag-start yun. “ “Then from there, parang…actually, niyaya rin niya ako dito before…way, way before pa, but nung time na yun hindi pa ako ready, kumbaga wala pa akong pera nun,” at tumawa ang binatang aktor. Nakakatuwang kuwento, noong mga bata pa sila ay binu-bully ni Andrew ang apat niyang kaibigang business partners. Bumait naman raw si Andrew noong nagbinata na sila, tumatawang sinabi pa ng apat na kaibigan ng aktor. Pare-pareho silang nag-aaral noon sa isang Chinese school sa Caloocan, ang Philippine Cultural High School. Ang iba pang mga partners ni Andrew sa EcoEnergy ay sina Chan Yik Yeung, Alvin Lam at Alex Ortiz. Nais rin daw ni Andrew na makatulong sa mga tricycle at jeepney drivers sa pamamagitan ng mas murang presyo ng de- kalidad na gasolina. Bilang artista naman, ang Naked Truth ang bagong proyekto ni Andrew, isang medical series sa ilalim ng Deetzy at tinatapos niya ang Dango. Naging guest rin siya sa Incognito, at isa ring Viva contract star si Andrew. Naging isyu sa showbiz ang tungkol sa ilang artista na sumosyo sa gasoline station at iba pang negosyo na nasangkot sa kontrobersiya tulad nina Ken Chan at Dominic Roque. At si Andrew, guwapo at hunk, paano kung maintriga siya na bigay ng isang benefactor ang mga gasoline station branches niya? Aniya, “Parang for me, it is what it is. Kung ano ang iisipin nila, e di… kasi kahit magsabi ka ng ganito, magsabi ka ng ganyan, may masasabi pa rin sila, hindi sila maniniwala sa iyo. “And may mga tao rin kasi na ayaw nilang umaangat ka so… ang ipaglalaban ko naman dito is yung foundation naming magkakaibigan. “Kaya dun pa lang, e… dugo at pawis ang puhunan ko dito,” ang nakangiting bulalas pa ni Andrew. May tatlong branches na ang EcoEnergy gasoline station; sa Fernando Poe Avenue (malapit sa Fisher Mall sa Quezon City), sa North Caloocan kung saan kapawa kasosyo si Andrew, at sa Pulilan, Bulacan. (ROMMEL GONZALES)