Sa kabila ng plano na ipagbawal ang pag-angkat mula sa Brazil: ‘Walang isyu sa suplay ng manok’ – DA
- Published on May 21, 2025
- by @peoplesbalita

Inaasahan naman na ang looming country-wide ban matapos na iulat ng Brazil ang unang kaso ng highly pathogenic avian influenza (HPAI) o bird flu mula sa commercial farm sa Montenegro, Rio Grande do Sul.
Ang Brazil ang itinuturing ng Pilipinas at ng buong mundo na ‘largest chicken exporter.’
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na may ilang bansa ang maaaring magsilbi bilang alternative sources kapag naging epektibo na ang import ban.
“Yes, we will have to ban the whole country from exporting chicken to us. But, of course, hindi lang naman Brazil ang nagsu-supply sa Pilipinas,” ayon kay Tiu Laurel.
“As far as supply is concerned, I really don’t see any issue, baka may brief supply gap lang na baka one or two weeks, because they have to change origins. But in general, I don’t see any issue, because even our local poultry industry medyo maganda ang production,” aniya pa rin.
Gayunman, magkakaroon ng minimal price adjustments sa impending import ban.
“Ang advantage lang ng Brazil, kaya malakas sila, dahil sila ang pinakamura. So, baka mas makabili lang tayo ng, iyong mga importers o processors, na mas mahal na kaunti pero I think the price difference is only a few percentage,” ang sinabi pa rin ng Kalihim.
Nito lamang buwan ng Pebrero, may 44.15 milyong kilogramo ng manok ang inangkat mula sa Brazil, ayon sa Bureau of Animal Industry (BAI).
Ang ibang bansa na maaaring panggalingan ng poultry imports para sa nasabing buwan ay ang Belgium, Canada, Chile, The Netherlands, Poland, Estados Unidos at United Kingdom.
Pagdating sa produksyon, nakapagtala ang bansa ng 550,499 metric tons (MT) ng local chicken production sa unang bahagi ng 2025, mas mataas kaysa sa 506,277 MT na naitala para sa kaparehong panahon noong 2024, ayon naman sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Samantala, pinanindigan naman ng BAI na ligtas ikonsumo ang mga poultry products sa bansa sa gitna ng mahigpit na mga hakbang laban sa paglaganap ng HPAI.
“The Bureau of Animal Industry assures the public that poultry products, including chicken meat and table eggs, remain safe for human consumption despite the previously reported case of avian influenza in Camarines Sur,” ayon sa hiwalay na kalatas.
Dahil dito, pinaalalahanan ng ahensiya ang publiko na tiyakin na mahroong “meat inspection certificate” sa lokal na pamilihan.
(Daris Jose)