Sa harap ni PBBM: Yulo-Loyzaga, nanumpa bilang Special Envoy for Disaster Risk Reduction
- Published on March 21, 2026
- by @peoplesbalita
NANUMPA na para sa kanyang bagong posisyon si dating Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga bilang Special Envoy for Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) sa isang seremonya sa Palasyo ng Malakanyang.
Sa oath-taking ceremony, binati ni Pangulong Marcos si Yulo-Loyzaga sa kanyang pagkakatalaga at nagpahayag ng pasasalamat sa pagtanggap nito para sa kanyang magiging bagong papel, tinukoy ang kanyang malawak na kadalubhasaan sa disaster resilience management.
Ipinaabot din ng Pangulo ang kanyang buong suporta para sa bagong special envoy dahil na rin pagsusulong nito sa agenda ng administrasyon sa climate action, renewable energy integration, at disaster risk reduction.
Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Pangulong Marcos na mapagtatagumpayan ang environmental governance at tumulong na makapagtayo ng mas matibay na bansa.
Si Yulo-Loyzaga ay nagsilbi bilang Kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) mula 2022 hanggang 2025. Bago pa ang kanyang appointment, nagsilbi muna siya bilang director ng United Nations International Office for Disaster Risk Reduction (UNDRR) Alliance for Disaster Resilient Societies sa loob ng dalawang taon.
Nagsilbi rin siya bilang pangulo ng National Resilience Council at naging miyembro ng UNDRR Asia Pacific Science and Technology Advisory Group.
Nagsilbi rin siya bilang executive director ng Manila Observatory mula 2007 hanggang 2016.
Nakamit ni Yulo-Loyzaga ang Bachelor of Arts in Political Science mula Ateneo de Manila University at Master of Arts in Government mula Georgetown University in Washington, D.C. (Daris Jose)