Sa halip na magpasa ng mga batas na makatutulong: Sen. ROBIN, nais ipa-ban ang K-dramas at pabor din si Sen. JINGGOY
- Published on October 20, 2022
- by @peoplesbalita
HINDI kami pabor sa sinasabi nina Senator Robin Padilla at Senator Jinggoy Estrada na dapat i-ban ang mga K-dramas sa Pilipinas.
Sabi ni Sen. Jinggoy, kung minsan daw ay naiisip niyang solution sa pag-angat ng TV shows ay ang pag-ban ng K-dramas. Pero ito raw ay obserbasyon lamang niya.
Pareho sila ng sentiment ni Senator Robin – na ang paraan para itaas ang kalidad ng TV shows sa Pilipinas ay patayin ang competition from foreign series. Na dapat puro Filipino shows lang ang dapat ipalabas sa ating TV screens.
But is this the right solution?
May mungkahi pa si Robin na dapat taasan ang taxes na ipinapataw sa mga foreign shows na dumarating sa Pilipinas.
Mali po ito kasi paano uunlad ang quality ng TV shows natin kung iisang peg ang ating sinusundan? Dapat global na ang puntirya natin, hindi lang basta local audience.
Sa dinarami ng mga artista na naupo sa Senado at Kongreso, wala naman kahit sa kanila ang nakaisip na magpasa ng batas na makatutulong sa mga manggagawa sa entertainment industry.
Bago sila naging senador ay mga artista sila kaya alam na alam nila for sure ang mga problema sa entertainment industry – piracy, mataas na taxes, mababang pasuweldo, just to name a few.
Pero kahit isa sa mga artistang naluklok sa Senado at Kongreso ay wala nagawa para tulungan ang mga kasamahan nila sa entertainment industry. Walang naipasang batas para maibaba ang taxes o protektahan ang mga workers sa entertainment industry.
Kung sakaling may mga Pinoy shows na sumikat sa ibang lugar sa mundo, ikatutuwa ba natin kung ang iba-ban din tayo sa ibang bansa dahil sikat tayo?
Bilang mga televiewers, nasa atin ang choice kung ano ang gusto natin panoorin. Bahagi iyon ng freedom of choice.
Kaya sa halip na mag-isip kayo na ipa-ban ang K-dramas, magpasa kayo ng batas na makatutulong para umunlad ang entertainment industry.
***
NATUTUWA kami for Keempee de Leon dahil nagbabalik-pelikula ang actor.
Kasali si Keempee sa cast ng ‘I Love You, Beksman’ kung saan gumaganap siyang gay dad ni Christian Bables.
Hindi na namin matandaan when was the last time napanood namin si Keempee sa pelikula. He is one of the more competent actors of his batch at naniniwala kami na given the right material and handled by a good director, pwedeng-pwede siyang mag-excel sa acting.
Sa ngayon ay napapapanood si Keempee sa ABS-CBN series sa Netflix na ‘2 Good 2 Be True.’
Hindi namin alam kung paano na-convince ni Direk Perci Intalan si Keempee to play the gay dad of Christian sa ‘I Love You, Beksman’ pero tama naman na lumabas siyang muli sa pelikula, gay role man iyan o hindi.
Keri naman niya ang role bilang flamboyant guy na asawa ni Katya Santos sa pelikula.
We hope to see Keempee doing more movies kaya sa masundan pa itong paglabas niya sa ‘I Love You, Beksman.’
(RICKY CALDERON)