• April 28, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Sa gitna ng tensyon sa Gitnang Silangan kailangang magtipid… 4 DAY WORK WEEK SA MAYNILA, IPINATUPAD NI YORME ISKO

INATASAN ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang apat na araw na work week sa Manila LGU, pinalawig ang oras ng opisina Lunes hanggang Huwebes.
Inanunsyo ni Yorme na magpapatupad ang pamahalaang lungsod ng apat na araw na work week na may mas mahabang oras ng trabaho para sa mga tanggapan ng lungsod, maliban sa mga ahensyang nagbibigay ng mahahalaga at frontline na serbisyo.

Sa kanyang “Talk to the People” public broadcast kahapon Lunes, Marso 9, sinabi ni Domagoso na nakikiayon ang lungsod sa mga hakbang ng pambansang pamahalaan sa pagtitipid ng enerhiya sa gitna ng pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis na kaugnay ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Ayon sa Alkalde, nilagdaan niya ang Executive Order No. 8, Series of 2026, na nagtatakda ng condensed work schedule para sa mga departamento, tanggapan, bureaus, boards, at iba pang instrumentalidad ng pamahalaang lungsod ng Maynila.

Sa ilalim ng kautusan, ang mga tanggapan ng pamahalaang lungsod ay mag-o-operate ng apat na araw kada linggo mula Lunes hanggang Huwebes, na may pinalawig na oras ng trabaho tulad ng 7:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi o 8:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi. Samantala, suspendido ang regular na operasyon tuwing Biyernes, maliban sa mga ahensyang nagbibigay ng mahahalagang serbisyo.

Idinagdag ng Alkalde na layunin ng bagong kaayusan na bawasan ang konsumo ng gasolina, pababain ang gastusin sa operasyon, at mapagaan ang daloy ng trapiko, habang patuloy na naibibigay ang mahahalagang serbisyo publiko.

Gayunman, nilinaw sa executive order na mananatiling bukas at gumagana ang mga mahahalaga at frontline na serbisyo, kabilang ang:
• mga emergency response unit
• serbisyong pangkalusugan
• operasyon sa sanitasyon
• mga pampublikong pamilihan
• at mga utility tulad ng mga water pumping station

Magpapatupad ang mga tanggapang ito ng rotational schedule at staffing arrangements upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo kahit may compressed work week, ayon sa kautusan ni Domagoso.
Hinimok din ng Alkalde ang mga pribadong negosyo, opisyal ng barangay, at mga sambahayan na isaalang-alang ang pagpapatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya, habang tumutugon ang bansa sa pagtaas ng presyo ng gasolina at kawalang-katiyakan sa pandaigdigang sitwasyon.

“Napakahirap ng sitwasyon sa mundo ngayon, kaya kailangan nating magtulungan at magkaisa,” ani ng Alkalde, habang hinihikayat ang mga residente ng Maynila na suportahan ang mga hakbang upang makatipid sa mga yaman habang napapanatili ang produktibidad.
(Gene Adsuara)