• March 11, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Sa gitna ng power crisis:  PBBM, ipinag-utos ang imbestigasyon hinggil sa Siquijor electric coop

IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ‘full investigation’ sa Siquijor Island Power Cooperative (SIPCO) sa gitna ng nagpapatuloy na power outages o pagkawala ng kuryente sa lalawigan.
Ang direktiba ay kasabay ng pakikipaglaban ng Siquijor sa walang lubay o tuloy-tuloy na energy crisis, samahan pa ng mga kakulangan sa tubig at pagkawala ng kabuhayan ng mga residente.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ipinatawag na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., si outgoing Energy Secretary Raphael Lotilla at Acting Secretary Sharon Garin para tugunan ang sitwasyon.
Inatasan din ng Pangulo ang mga kaugnay na ahensiya na mabilis na kumilos.
“Nagbigay na rin siya ng direktiba, ang ating Pangulo, para sa isang malalim na imbestigasyon sa power provider na Siquijor Island Power Cooperative,” ang sinabi ni Castro.
“At inutos ng Pangulo ang agarang pagresolba sa matagal ng problema sa supply ng kuryente sa lalawigan,” aniya pa rin sabay sabing “Short- and long-term measures are now being prepared.” ( Daris Jose)