Sa gitna ng panawagan na isuko na ang Kalayaan Island Group: Pinas, patuloy na igigiit ang karapatan sa WPS- Malakanyang
- Published on February 9, 2026
- by @peoplesbalita
IPAGPAPATULOY ng Pilipinas ang paggigiit sa soberanya nito sa West Philippine Sea (WPS) sa kabila ng panawagan ni Senador Rodante Marcoleta na isuko na ang Kalayaan Island Group sa Palawan.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ipagpapatuloy ng administrasyon na panindigan ang polisiya nito na huwag isuko ang anumang bahagi ng teritoryo nito sa foreign powers.
“Ipagpapatuloy ng Presidente ang kaniyang polisiya na ipaglalaban natin [ang WPS]. Even an inch of our territory ay hindi isu-surrender sa foreign powers,” ang sinabi ni Castro sa isang panayam.
“Hayaan na lamang natin ang Pangulo at DFA (Department of Foreign Affairs) at pamahalaan na mag-decide patungkol dyan,” aniya pa rin.
Sa isinagawang Committee on Appointments (CA) hearing, araw ng Miyerkules, sinabi ni Marcoleta na dapat nang siuko ng Pilipinas ang KIG sa Palawan dahil ang features nito ay “way beyond our exclusive economic zone (EEZ)”.
“Meron tayong mga isla na occupied natin ngayon, ang KIG. May apat na features sa KIG — Pag-asa, Parola, Kota, at Lankiam. Incidentally, itong apat na features ay way, way beyond our EEZ. Wala sila sa sakop ng EEZ,” ang winika ni Marcoleta.
“Ang gawin natin para madali, i-give up natin ang KIG then maco-coordinate na natin lahat,” aniya pa rin. ( Daris Jose)