• February 19, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Sa deklarasyon ni VP Sara na tatakbo sa pagka-Pangulo sa 2028 election: Goodluck- Malakanyang

GOOD LUCK!
Ito ang naging tugon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nang ideklara na ni Vice-President Sara Duterte na tatakbo siya bilang Pangulo ng bansa sa 2028 elections sa isang press conference, araw ng Miyerkules.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ‘nakangiti’ ang Pangulo nang magsabi ng goodluck para kay VP Sara.

“Kapag po kasi nagsasabi si Pangulo ng goodluck, naka-ngiti naman siya eh. So, kung sarcastic ‘to o hindi… hindi ko masasabi,” ayon kay Castro.

Sinabi pa ni Castro na narinig din ng Pangulo ang mga sinabi ni VP Sara na pinagsisisihan at humihingi ng kapatawaran ang Bise Presidente sa taumbayan na isa-isa namang niresbakan ng tugon ni Castro.
“Okay. Isa-isahin natin, mas maganda po iyan. Humingi siya ng kapatawaran dahil tinulungan niya sa pangangampanya. Tandaan po natin, ang taumbayan ang naghalal kay Pangulong Marcos Jr. Kung anuman po ang natulong niya, pareho naman po silang nagtulungan dahil ito ay UniTeam kaya huwag niya pong solohin ang credit kung nanalo man ang Pangulo. At nakikita ngayon ng Pangulo—ah, rather ng mga kababayan natin kung sino ba ang nagtatrabaho – isang working president compared sa Bise Presidente,” ang litanya ni Castro.
At nang hingan naman ng reaksyon si Castro sa sinabi ni VP Sara na “‘Di ko kinayang maging bahagi ng 2025 budget na tadtad ng katiwalian. Pinili kong umalis sa gabinete kahit alam ko na since 2023, ang magiging kapalit ang aking impeachment.”
Ang sinabi ni Castro ay “pinag-uusapan po ba ang korapsiyon/ang katiwalian? Siguro po dapat mauna muna na ihingi niya ng tawad kung anuman ang mga isyu ng korapsiyon at katiwalian at diumanong paglulustay ng confidential funds ng kaniyang dalawang opisina at that time – OVP at ng DepEd,” ang sinabi ni Castro.
“Kung mayroon pang napipintong impeachment, ito po ay dahil sa kanyang kagagawan mismo. Kung wala naman siyang ginawa na mga maanomalya at labag sa konstitusyon, hindi naman po siguro siya masasampahan ng mga impeachment complaints,” aniya pa rin. ( Daris Jose)