• April 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Robredo, nagdaos ng thanksgiving para sa mga supporters, volunteers

NAGDAOS araw ng Biyernes, Mayo 13 ng thanksgiving event si Vice President Leni Robredo kasama ang buong Angat Buhay team sa Ateneo de Manila University (AdMU) campus.

 

 

Tinawag na “Tayo ang Liwanag”, sinabi ni Robredo na layon nito na ipaabot ang kanyang pasasalamat sa kanyang mga supporters at volunteers na sumama sa kanyang journey sa panahon ng campaign period.

 

 

Sa pamamagitan ng VP Leni Robredo Facebook page, inanunsyo kahapon, araw ng Huwebes, Mayo 12 ang pagpapalit ng venue mula Liwasang Aurora sa Quezon City sa AdMU.

 

 

“Magbabago ang venue ng ating Thanksgiving Gathering, bukas Biyernes, ika-13 ng Mayo 2022, alas-5 ng hapon. Alinsunod ito sa desisyon ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Quezon na hindi magbigay ng permit para sa orihinal na venue in Quezon Memorial Circle,” ang nakasaad sa post.

 

 

“Bagama’t ikinalulungkot namin ito, iginagalang namin ang pasya ng lokal na pamahalaan. Nananabik kaming makasama ang mga kaibigan, kapwa-volunteer, supporter, at kapwa Pilipino sa Ateneo grounds bukas,” dagdag nito.

 

 

Nag-live naman si Robredo via Facebook upang ipahayag ang kanyang pasasalamat sa lahat na sumuporta at nagboluntaryo sa panahon ng kampanya at mga inimbitahan na dumalo sa event.

 

 

Nagpasalamat din siya sa mga nagbigay sa kanya ng regalo noong campaign period.

 

 

“Gusto ko to ipakita kasi hindi ako nakapagpasalamat enough sa mga nagbibigay pero pinag-iisipan naming baka pwedeng yung iba ilagay natin sa museum, tapos yung iba ay, wala pa ano pa to up in the air, auction lalo na yung mga art work kasi pwede pangsimula natin for our Angat Buhay programs ,” ang pahayag ni Robredo.

 

 

Pinag-iisipan din ni Robredo na ibigay ang ilan sa mga regalo sa kanyang mga volunteers upang mapakinabangan ito ng ibang tao.

 

 

Samantala, sinabi pa ni Robredo na nanggaling siya sa kanyang hometown sa Bicol at ang kanyang mga supporters sa Naga ay nag-iisip na magtayo ng “pink museum” upang itago doon ang mga pinakamahahalagang memorabilia. (Daris Jose)