Rider na walang helmet, buking sa shabu sa Caloocan
- Published on January 13, 2025
- by Peoples Balita
SHOOT sa selda ang isang hinihinalang adik na rider nang sagasaan ang isa sa mga pulis na kabilang sa nagsasagawa ng Oplan Sita sa Caloocan City.Kahit nakailag, bahagya pa rin nahagip si P/Cpl. Ofalia nang sagasaan 59-anyos na rider na sa pagmamadaling tumakas ay nawalan ng kontrol at bumangga sa malaking karatula ng Oplan Sita sa may Alat Bridge, Quirino Highway, Brgy. 185.
Ayon kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng NPD-District Mobile Force Battalion (MDFB) sa naturang lugar nang parahin nila ang rider dahil sa pagmamaneho ng motorsiklo ng walang suot na helmet dakong alas-2:45 ng madaling araw.
Sa halip na huminto, pinaharurot ng suspek ang minamanehong motorsiklo patungo sa kinatatayuan ni Cpl Ofalia na bahagyang nakaiwas.
Sumemplang naman ang rider nang bumangga sa karatula matapos mawalan ng kontrol sa manibela na dahilan upang tumilapon at kumalat sa kalsada ang laman ng dala niyang sling bag.
Nang suriin ng pulisya ang nagkalat na laman ng bag, natuklasan ang halagang P2,500 cash at anim na plastic sachet na naglalamant ng 28 gramo ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P190,400.00.
Pinuri naman ni Col. Ligan ang pagiging alisto at mapapagmatyag ng pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek. “This operation is proof of our commitment to eradicating illegal drugs in our communities. Together, we will make our streets safer,” pahayag ng opisyal. (Richard Mesa)