Rider na walang helmet, buking sa pampasabog sa Oplan Sita
- Published on May 27, 2025
- by @peoplesbalita

Sa ulat ni Northern Police District (NPD) Public Information Office (PIO) chief P/Lt Marcelina Pino kay NPD District Director P/BGen. Josefino Ligan, nagsasagawa ang mga tauhan ng Caloocan City Police Station ng Oplan Sita sa Phase 1, Package 3, Barangay 176-A, Bagong Silang, nang parahin nila ang isang rider dahil walang suot na helmet dakong alas-2:00 ng madaling araw.
Nang hingan kanyang driver’s license, nagtangka itong tumakas at biglang pinahaharurot ang kanyang motorsiklo subalit, kaagad naman siyang nahabol at napigilan ng mga pulis na dahilan ng pagkakaaresto nito.
Nakumpiska sa 45-anyos na rider na si alyas “Inggo” ang isang MK2 Hand Fragmentation Grenade, glass cutter, wire cutter/stripper, steel measuring tape, long nose pliers, flat screw, black bag back at gamit nitong Kawasaki Fury.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Article 151 of the Revised Penal Code (Resistance and Disobedience to a Person in Authority), RA 9516 (Illegal Possession of Explosives), at BP 881 (Omnibus Election Code of the Philippines).
Pinuri naman ni Gen Ligan ang Caloocan City Police Station sa kanilang mabilis at epektibong pagtugon, na nagbibigay-diin sa dedikasyon ng mga frontline officers sa pagtiyak ng kaligtasan at seguridad ng publiko. (Richard Mesa)