Rice Tariffication Law, pinarerebyu
- Published on January 19, 2026
- by @peoplesbalita
PINAREREBYU ni Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima ang Rice Tariffication Law upang maprotektahan ang mga magsasaka at consumers.
Ito ay kasunod na rin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas at hiling ng mga farmers’ groups at consumer advocates para sa pagbabalik ng regulatory at market intervention powers ng National Food Authority (NFA).
Inihain ng House Deputy Minority Leader ang panukalang komprehensibong review ng Republic Act No. 11203 o “Rice Tariffication Law.” sa House Resolution No. 645, sinabi ng mambabatas ang pangangailangan para sa systematic review sa implementation ng Rice Tariffication Law upang madetermina ang kaukulang policy interventions para maibaba ang presyo ng bigas at masiguro ang food security.
Ipinaa-assess nito ang pagbalik ng kapangyarihan ng NFA, matukoy ang epektibong safeguards laban sa potential abuses, inefficiencies, o market distortions, at masiguro ang transparency at accountability sa operasyon nito.
“The price of rice has continued to rise, negatively impacting the livelihoods of farmers and placing a significant burden on the household budgets of millions of families, particularly those in the most vulnerable sectors of society,” ani De Lima.
Ang RA 11203 na isinabatas noong 2019 ay nagbibigay proteksyon sa mga magsasaka sa rice imports.
Bago naisabatas ng Rice Tariffication Law, ang NFA ay may extensive regulatory at market intervention powers, kabilang ang direct rice importation, price stabilization sa pamamagitan ng strategic buying and selling at pagpapatupad ng price ceilings upang maprotektahan ang consumers mula sa mataas na presyo. (Vina de Guzman)