Rep. Tiangco, magsisilbing independent sa 20th Congress
- Published on July 29, 2025
- by @peoplesbalita
INIHAYAG ni Navotas City Representative Toby Tiangco na magsisilbi na lamang siya bilang independent member of the House of Representatives.
Ayon kay Tiangco, dahil ito sa nangyari sa 2025 national budget na hindi na umano niya kayang suportahan ang liderato sa House of Representatives at hindi na rin aniya ito dapat mangyari ulit.
“Hindi ito isang madaling desisyon, ngunit ito ay hindi na rin bago sa akin—mula December 2011 hanggang 2019, ako rin ay naging independent, at alam kong hindi madali ang landas na ito,” pahayag niya.
Aniya, pagkatapos ng SONA, ang pinakaimportanteng panukalang batas na tatalakayin ay ang 2026 national budget kaya napakahalaga ng maayos na 2026 budget dahil dito nakabase ang mga proyekto, programa at serbisyo para sa tao.
“Hindi na pwede ang dating sistema ng pagtalakay sa budget. May mga kailangang baguhin sa proseso ng pagbubuo ng budget, kailangan na transparent ito mula simula hanggang matapos,” ani Tiangco.
“Hindi na pupwede ‘yung mga sikretong sinisingit (budget insertions) na mga items. Mas magiging epektibo ako na maisusulong ang mga repormang ito bilang isang independent,” dagdag niya. (Richard Mesa)