Rep. Pantaleon Alvarez at Atty. Ferdie Topacio, iginiit na walang halong pulitika ang inihain nilang reklamo laban kay House Speaker Martin Romualdez
- Published on February 11, 2025
- by Peoples Balita
IGINIIT nila Davao Del Norte 1st District Rep. Pantaleon Alvarez at Atty. Ferdie Topacio na walang halong pulitika ang paghahain nila ng kaso sa Office of the Ombudsman laban kay House Speaker Martin Romualdez at iba pang mambabatas kaugnay sa umano’y insertion sa Bicam Report ng 2025 National Budget.
Anila, ginawa lamang nila ang kanilang trabaho sa bayan at hindi rin umano timing ang paghahain nila ng reklamo sa napipintong impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Paliwanag naman ni Atty. Topacio, ngayon lang nila naisampa ang reklamo dahil pinag-aralan pa umano nila ng mabuti kung anong partikular na kaso ang isasampa laban sa mga kongresista.
Magkakasama sila Rep. Alvarez, Citizen Crime Watch President Diego Magpantay, Atty. Jimmy Bondoc, Atty. Ferdinand Topacio, Atty. Raul Lambino, Atty. Trixie Angeles at Virgilio Garcia nang maghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman.
Sa dalawampu’t siyam na pahinang reklamo, labing dalawang bilang ng falsification of legislative documents sa ilalim ng Article 170 ng Revised Penal Code at paglabag sa Anti Graft and Corrupt Practices Act ang inihain laban kina House Speaker Romualdez, House Majority leader Manuel Jose Dalipe, dating House Appropriations Committee Chair Zaldy Co, kasalukuyang House Appropriations Committee Chair Stella Quimbo at ilan pang mambabatas.
Nag-ugat ang reklamo sa labing dalawang beses umano na insertion sa bicam report na umaabot sa 241 billion pesos, kumpyansa ang mga complainants na malakas ang kanilang kaso lalo pat inamin naman umano ng mga ito na mayroon talagang blangko sa Bicam Report. (PAUL JOHN REYES)