• April 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Renewal ng lisensya, available na sa eGovPH APP; LTO nanawagan na gamitin ang online na serbisyo

HINIMOK ng Land Transportation Office (LTO) sa patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ang publiko na gamitin ang online driver’s license renewal sa pamamagitan ng eGovPH app.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, layunin ng integrasyon ng driver’s license renewal sa eGovPH app na mapabilis at maging mas maginhawa ang proseso para sa publiko, saan man sila naroroon.

“Mas maginhawa itong alternatibo kaysa sa pagpunta pa sa mga tanggapan ng LTO dahil wala ka nang kailangang gastusin sa pamasahe, at hindi mo na rin kailangang pumila,” ani Asec. Mendoza.

Upang magamit ang serbisyong ito, kailangang i-download at i-install ng mga kliyente ang eGovPH app sa kanilang smartphone, na available sa parehong App Store at Google Play. Kailangan munang dumaan sa security verification ang app upang matiyak na ligtas ang iyong account.

Ayon kay Asec. Mendoza, ang matagumpay na transaksyon ay nangangahulugang renewed na ang lisensiya ng aplikante, at awtomatikong lalabas ang Electronic Driver’s License (e-license) sa loob ng eGov app.

Binigyang-diin din ni Asec. Mendoza na ang e-license ay may bisa gaya ng physical card. Maaari rin aniyang pumili ang kliyente ng courier provider para sa delivery ng physical license, o kaya’y magpa-schedule ng pick-up sa pinakamalapit na district office.

“Lahat ng mga hakbang na ito ay bahagi ng digitalization efforts ng LTO upang gawing mabilis at maginhawa ang bawat transaksyon, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos sa pamamagitan ni Secretary Dizon. Patuloy naming pinapabuti ang aming mga digital na serbisyo upang mapagsilbihan ang bawat Pilipino saan mang dako ng mundo,” ani Asec. Mendoza.

Matatandaang noong nakaraang taon, pinangunahan ni Asec. Mendoza ang paglulunsad ng online driver’s license application para sa mga Pilipino sa Taiwan. (PAUL JOHN REYES)