Recto, nanumpa sa harap ni PBBM bilang bagong Executive Secretary; Go bilang Finance chief
- Published on November 20, 2025
- by @peoplesbalita
PINANGASIWAAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panunumpa sa tungkulin nina Acting Executive Secretary Ralph Recto at Finance Acting Secretary Frederick Go sa Palasyo ng Malakanyang.
Ang seremonya ay isinagawa matapos tanggapin ni Pangulong Marcos, “out-of-delicadeza” ang pagbibitiw sa tungkulin nina Executive Secretary Lucas Bersamin at Budget Secretary Amenah Pangandaman, kung saan ang kani-kanilang tanggapan ay nabanggit sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa di umano’y anomalya sa flood control projects.
Nauna rito, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na boluntaryong nagbitiw sa kani- kanilang tungkulin sina Bersamin at Pangandaman para bigyan ang administrasyon ng “full latitude” para tugunan ang mga usapin sa imbestigasyon at protektahan ang integridad ng tanggapan na kanilang pinamumunuan.
Sa pag-upo ni Recto bilang Executive Secretary, inaasahan na pangangasiwaan nito ang day-to-day operations ng Office of the President (OP), palalakasin ang inter-agency coordination, at isulong ang ‘high-impact programs’ ng administrasyon.
Bitbit ni Recto ang may ilang dekada nang karanasan sa ‘national planning, fiscal policy, at legislative reforms.’
Samantala, kagyat na uupuan ni Go ang liderato sa Department of Finance matapos magsilbi bilang Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs.
Sinabi ni Castro na ang pagpapalit ng liderato ay sumasalamin sa commitment ng Pangulo na “institutional strengthening and clean governance as inquiries continue into alleged budget irregularities.” ( Daris Jose)