Quiboloy kasuhan ng sexual abuse, trafficking – DOJ
- Published on March 6, 2024
- by @peoplesbalita
IPINAG-UTOS na ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng mga kasong sexual abuse of a minor at qualified trafficking laban kay Kingdom of Jesus Christ (KJC) leader Pastor Apollo Quiboloy.
Mismong si Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla ang nagsagawa ng anunsiyo nito kahapon, sa isang pulong balitaan.
Ang kautusan ay ginawa ng DOJ matapos na paboran ang petition for review na nakabinbin sa kanilang tanggapan, mahigit apat na taon na ngayon.
Kaagad ring namang inatasan ng DOJ ang Office of the City Prosecutor of Davao City na maghain ng kasong paglabag sa Republic Act 7610 o the Anti-Child Abuse Law si Quiboloy.
Partikular na tinukoy dito ang probisyon hinggil sa sekswal na pang-aabuso laban sa isang menor-de-edad.
Samantala, ang kaso namang qualified human trafficking ay ihahain sa hukuman sa Pasig City.
Ayon kay Remulla, pinag-aralan nilang mabuti ang kaso at lumitaw na mayroon talagang dapat na panagutan ang pastor sa batas.
Sinabi pa ng DOJ chief na lumagda na rin siya ng precautionary hold departure order (HDO) laban kay Quiboloy.