QCPD doble seguridad sa mga establisimyento ngayong ‘Ber’ months
- Published on September 17, 2025
- by @peoplesbalita
NGAYONG nagsimula na ang “Ber” months, sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) Acting District Director PCol. Randy Glenn Silvio na mas paiigtingin pa ang seguridad sa mga malls, restaurants, hotels, financial institutions at mga vital installations sa lungsod.
Sa pakikipagpulong kay PBGen. Manuel Abrugena, ADRDO, NCRPO, sinabi ni Silvio na may dodoblehin na ang police visibility sa lungsod bunsod ng inaasahang dagsa ng mga mamimili, kumakain at mga nagnenegosyo habang papalapit ang Pasko.
Tinalakay din sa pagpupulong ang mabilis na responde sa mga tawag at ang 8-Focus Crime Statistics mula Enero 1 hanggang Agosto 30, 2025.
Ayon kay Silvio, regular ang kanyang paalala sa kanyang Command Group, District Staff at mga Station Commanders laban sa mga illegal operations ng mga kriminal at mabigyan ng kapanatagan ang mga QCitizens.
Dagdag ni Silvio ang kanilang kampanya ay alinsunod sa direktiba ni Acting PNP chief LtGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. na siguraduhin na ligtas ang publiko anumang oras.
“Ang paglaban sa krimen ay hindi lamang responsibilidad ng kapulisan, kundi tungkulin din ng bawat mamamayan. Alinsunod sa ALLIED program ng ating NCRPO Regional Director, PM.Gen. Anthony Aberin, nakatuon sa pakikipag-ugnayan sa komunidad, patuloy nating pinagtitibay ang ugnayan sa mga commercial establishments upang matiyak ang isang ligtas at payapang Quezon City. Gaya ng aking mantra: Magtulungan po tayo, QCitizen at QCPD laban sa krimen,” dagdag pa ni Silvio.