• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 10:06 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

QC-LGU, NAGBABALA SA PAGTAAS NG KASO NG LEPTOSPIROSIS SA LUNGSOD

NAGBABALA si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa mga mamamayan sa lungsod bunsod ng pagtaas ng mga kaso ng leptospirosis, na pinalala ng walang tigil na pag-ulan at malawakang pagbaha dahil sa naranasang nagdaang magkakasunod na bagyo at habagat.
Batay sa datos ng City Epidemiology and Surveillance Division o QC-ESD, nilampasan na ng lungsod ang Epidemic Threshold matapos na maitala ang 43 bagong kaso mula July 24 hanggang July 30, 2025.
Ayon kay QC-ESD Chief  Dr. Roly Cruz, aabot na sa 178 ang naitalang kaso ng leptospirosis sa QC ngayong taon na mas mataas ng 23% kumpara noong January hanggang July 30 ng nakaraang taon.
Aniya, nasa 23 ang nasawi sa leptospirosis ngayong taon na mas mataas sa 18 naiulat na namatay sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Base pa sa record ng QC-ESD, nasa 99 na kaso ang direktang na-expose sa baha, habang ang 34 na kaso ay iniuugnay sa kontaminadong tubig na pinagmumulan ng sari-saring sakit.
Dahil dito, nagpaalala si QC Health Department officer-in-charge Dr. Ramona Abarquez na iwasang lumusong sa tubig baha o kaya ay ugaliing magsuot ng protective gear tulad ng bota at raincoat.
Kanya ring pinayuhan ang sinumang nababad sa baha na agad magtungo sa mga health center sa lungsod para sa libreng Doxycycline treatment at medikal na atensyon kung nakakaranas ng mga sintomas tulad ng lagnat, panginginig at pananakit ng katawan, pagtatae, pagdilaw ng balat at pamumula o paninilaw ng mga mata.
Babala ni Mayor Joy Belmonte, “nakakamatay ang leptospirosis, kaya’t huwag itong balewalain lalot handa ang QC-LGU na tumulong at magkaloob ng libreng gamot”. (PAUL JOHN REYES)