Putol kuryente itigil muna – Duterte
- Published on February 6, 2021
- by @peoplesbalita
Pinalawig ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kautusan na nagbabawal sa pagputol ng kuryente ng mga “lifeliners” o low-income households.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, iiral ang “no disconnection” policy hanggang ngayong buwan ng Pebrero.
Ang mga “lifeliners” ay ang mga kabahayan na hindi lumalampas sa 200 kilowatt hour ang konsumo kada buwan.
Ang pagpapalawig ng “no disconnection” policy ay inirekomenda ng Energy Department.
“Ang instruction ni Pangulo, sa panahong may kinakaharap na pandemiya, walang puputulan (ng kuryente) na lifeliner,” pahayag ni Nograles.
Sinabi pa ni Nograles na makakahinga na ng maluwag ang mga kabahayan na nangangambang mapuputulan ng kuryente ngayong buwan.
Ipinaliwanag naman ni Undersecretary Felix William “Wimpy” Fuentebella ng DOE na hanggang Disyembre lang dapat ang pagbabawal sa pagputol ng kuryente ng mga hindi makabayad na “lifeliners” pero pinalawig ito ng dalawang buwan na kinabibilangan ng Enero at Pebrero.
Kung hindi makakabayad matapos ang Pebrero, hindi aniya nangangahulugan na mapuputulan na agad ng kuryente dahil mag-uusap muna ang consumer at distribution facilites para magkasundo tungkol sa posibleng installment na bayaran.
Kapag hindi aniya tumupad sa usapan ang consumer ay saka papadalhan ng disconnection notice. (GENE ADSUARA)