Pulis sa Maguindanao, magsisilbing board sa halalan
- Published on March 27, 2025
- by @peoplesbalita
MAGSISILBING miyembro ng board para sa May national and local elections sa buong Maguindanao ang mga pulis.
Ito ayon kay Comelec Chairman George Garcia kasunod ng naging consensus ng en banc para matiyak ang seguridad sa lalawigan.
Sinabi ni Garcia sa “Meet the Press” forum, na ang mga guro ay hindi na rin itatalaga bilang mga board sa araw ng halalan.
Nauna nang inihayag ng Comelec na may mga miyembro ng Philippine National Police na sinasanay para magsilbi sa eleksyon sa mga lugar na may iniulat na may karahasan.
Nabanggit din ni Garcia may rekomendasyon din sa kanila ang electoral board ng Maguindanao na isailalim sa Comelec control ang buong lalawigan kasama ang del Norte at del Sur pero ito aniya ay pag-aaralan pa.
Sa ngayon, ang Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao ang inirerekomenda ni Garcia na isaialim sa Comelec control kasunod ng mga insidente ng pagpatay kung saan ang huling insidente ay nito lamang Miyerkules ng umaga nang pagbabarilin ang election supervisor at asawa nito sa Datu Odin Sinsuat. (Gene Adsuara)