• October 23, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 23, 2025
    Current time: October 23, 2025 9:11 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pulis, kasama pinagtulungan kuyugin ng 2 kagawad, tanod at 5 pa sa Caloocan

SA ospital ang bagsak ng isang pulis at kasamang sibilyan matapos pagtulungan kuyugin ng walong kalalakihan, kabilang ang dalawang kagawad ng barangay at executive officer (Ex-O) makaraang dakpin ang isang lalaking sangkot sa ilegal na droga sa Caloocan City.

 

 

Ginagamot sa hindi tinukoy na pagamutan sina P/Cpl. Roger Lagarto, nakatalaga sa Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at sibilyang si Adrian Villagomez, 37, ng Libis Espina, Brgy. 18, makaraang magtamo ng seryosong mga sugat sa ulo, mukha at buong katawan, batay sa inilabas na medico-legal certificate ng kanilang attending physician.

 

 

Kinilala naman ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang mga naarestong suspek na sina Kagawad Jimmy Marinda, 53, at Ex-O Ferdinand Basmayor, 43, ng Brgy. 36, na kapuwa positibo sa alcohol nang isailalim sa medical examination, habang tinutugis pa ang isa pang Kagawad na si Renato Rivera, alyas “Tisoy” at lima pang kalalakihan.

 

 

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Lacuesta na nagsasagawa ng paniniktik at pagmo-monitor ang mga tauhan ng SDEU sa pangunguna ni P/SSg. Jason Taguba sa Barangay 36, dakong alas-11 ng gabi nang arestuhin ni Cpl. Lagarto at kasamang sibilyan si alyas “Joshua” na siyang target ng kanilang operasyon matapos mamataan sa kahabaan ng Marulas B St. Brgy, 36.

 

 

Nang dadalhin na nila sa Barangay Hall ang suspek upang isailalim sa imbentaryo ang nakuha sa kanyang ilegal na droga, ay hinarang sila at pinagtulungang gulpihin ng mga kalalakihan, kabilang ang dalawang Barangay Kagawad at Ex-O, kahit nagpakilala na si Lagarto na isang pulis.

 

 

Kaagad namang sumaklulo ang mga kasamahan ni Lagarto na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek, habang nagawang makatakas ng iba pa.

 

 

Ayon kay Col. Lacuesta, sasampahan nila ng patong-patong na kasong obstruction of justice, direct assault, at serious physical injuries ang mga barangay official at kanilang mga kasama sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)