• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pulis binentahan, tulak timbog sa drug bust sa Valenzuela

HINDI inakala ng isang umano’y tulak ng iligal na droga na pulis na pala ang kanyang nabintahan ng shabu matapos maaresto sa isinagawang buy bust operation sa Valenzuela City, Biyernes ng umaga.

Sa kanyang ulat kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, kinilala ni Station Drug Enforcement Unit (SDEU) chief P/Lt. Sherwin Dascil ang suspek na si alyas “Ody”, 40, ng Brgy. Paso De Blas.

Ayon kay Lt. Dascil, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta ng shabu ng suspek kaya kaagad siyang bumuo ng team bago ikinasa ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA.

Dakong alas-8:30 ng umaga nang makipagkita ang suspek sakay ng isang motorsiklo at makipagtransaksyon umano sa isa sa mga operatiba ng SDEU na nagpanggap na buyer sa gilid ng Paso De Blas Chapel, sa E. Miranda St., Brgy. Paso De Blas na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya.

Nakumpiska sa kanya ang humigi’t kumulang 5 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P34,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill at isang P1000 boodle money, P150 cash at gamit niyang motorsiklo.

Ayon kay P/MSg. Ana Liza Antonio, mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz ang arresting team sa kanilang dedikasyon at pagsisikap para mapigilan ang pagkalat ng droga sa lungsod.
(Richard Mesa)