Puganteng Taiwanese national, naaresto sa isang cruise ship
- Published on November 27, 2025
- by @peoplesbalita
INARESTO ang isang Taiwanese national at dating mamamayan ng Estados Unidos, matapos siyang maharang sakay ng MV Star Navigator habang naglalayag mula Kaohsiung, Taiwan papuntang Pilipinas.
Kinilala ang naaresto na si Tsai Chin Hao, 54 na may Interpol alert at may nakabinbing warrant of arrest sa Estados Unidos, dahilan upang ituring siyang pugante sa batas.
Matapos kumpirmahin ng BI INTERPOL Unit, isang walong-kataong team ng immigration officers mula sa BI Bay Service Section ang nagsagawa ng boarding at immigration formalities sa MV Star Navigator kung saan nakadetect nila ang pagpasok ng barko sa teritoryo ng Pilipinas at agad na nakipag-ugnayan sa mga kaukulang yunit.
Sa tulong ng National Bureau of Investigation (NBI), itinurn-over ng mga boarding officers ang pasahero sa BI Fugitive Search Unit (FSU) pagdating ng barko sa Port of Currimao, Ilocos Norte. Isasagawa na ng BI ang proseso ng deportation alinsunod sa beripikadong Interpol alert at umiiral na batas sa imigrasyon.
“Pinatutunayan ng operasyong ito ang matibay nating pangako na protektahan ang ating mga hangganan at sundin ang direktiba ng Pangulo. Patuloy na magiging mapagmatyag ang ating mga opisyal upang matiyak na hindi nagiging kanlungan ng mga pugante ang Pilipinas,” ayon kay BICommissioner Joel Anthony Viado. (Gene Adsuara)