PUGANTENG CHINESE NATIONAL, INARESTO
- Published on March 27, 2026
- by @peoplesbalita
INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang puganteng Chinese national dahil sa umano’y pagkakasangkot sa telecom fraud, sa isinagawang operasyon sa Makati City.
Isinagawa ang pag-aresto ng mga operatiba ng BI Fugitive Search Unit (FSU), sa pangunguna ni Chief Rendel Ryan Sy, katuwang ang Philippine National Police, Makati City Police, at iba pang ahensyang paniktik ng pamahalaan.
Ang suspek, na kinilalang si Zhang Jinglong, 29, ay nahuli sa Mercedez Street, Barangay Bel-Air, matapos ang intelligence information na nagkumpirma na siya ay wanted ng mga awtoridad sa Guangdong, China dahil sa telecom fraud.
Nag-ugat ang operasyon mula sa opisyal na komunikasyon na natanggap ng BI na nagpapatunay na si Zhang ay isang pugante na iniimbestigahan ng mga awtoridad sa China.
Sa operasyon, kasama ni Zhang ang tatlo pang Chinese nationals na sina Zhang Pengguang, Feng Mincong, at Zhang Yunpeng. Lahat sila ay nabigong magpakita ng valid passport o anumang dokumento sa imigrasyon nang sila ay tanungin ng mga awtoridad.
Iniulat na sinubukan ni Zhang na iligaw ang mga awtoridad sa pamamagitan ng pag-angking siya ay isang mamamayan ng Vanuatu, na taliwas sa opisyal na rekord na nagpapatunay na siya ay Chinese citizen.
Mas lalong nagdulot ng pangamba sa mga awtoridad nang mapansing tila may proteksyon si Zhang mula sa mga armadong indibidwal, kabilang ang isang aktibong pulis at isang reservist. Ang usapin ay isinangguni na sa mga kinauukulang ahensya para sa kaukulang imbestigasyon.
Ayon sa rekord ng BI, pumasok si Zhang sa Pilipinas noong Nobyembre 2019 bilang isang temporary visitor ngunit nanatili sa bansa nang walang valid extension o visa conversion, kaya siya ay itinuturing na overstaying alien. Siya rin ay saklaw ng isang umiiral na blacklist order dahil sa mga naunang paglabag sa immigration.
Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na patuloy ang kampanya ng Bureau laban sa mga dayuhang sangkot sa panlilinlang at iba pang transnational crimes.
“Hinding-hindi namin papayagan ang mga kriminal na samantalahin ang aming sistema o gamitin ang bansa bilang base ng mga mapanlinlang na gawain,” ani Viado. “Sa pamamagitan ng malapit na koordinasyon sa mga foreign counterparts at lokal na law enforcement, titiyakin naming matutunton, maaaresto, at mapapaalis sa bansa ang mga pugante.” ( Gene Adsuara)