Publiko pinag-iingat vs modus sa COVID-19 cash aid
- Published on July 26, 2022
- by @peoplesbalita
PINAG-IINGAT ni Philippine National Police Officer-in-Charge (OIC) Vicente Danao Jr., sa publiko ukol sa modus na kumukuha ng sensitibong impormasyon Mmula sa mga indibidwal kapalit ng “unclaimed” COVID-19 cash aid mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Paalala ni Danao sa publiko na huwag agad ipagkatiwala ang mga sensitibong impormasyon ukol sa kanilang mga sarili, at sinabi na ang Data Privacy Act of 2012 “limits government agencies” na tanungin ang mga indibidwal ukol sa kanilang personal at sensitibong mga impormasyon.
“It’s important to note that you should be critical as well about the identity of the unknown person. If you are able to get his or her name, then check the veracity with the concerned agency,” ani Danao.
Binanggit din ni Danao ang insidente kamakailan sa Cagayan De Oro City kung saan isang nagngangalang Jhon Carl Mendoza, 30, ang inaresto matapos magpanggap na DSWD officer na nag-aalok ng tulong kapalit ng pera.
Nakapag-ulat na rin ang DSWD ng parehong kaso kung saan ang isang biktima ay nakatanggap ng tawag mula sa hindi niya kakilala, base sa mga pulis.
Hiningi ng caller ang “vital information, including her bank account,” ng biktima at sinabing kapalit nito ang “unclaimed” COVID-19 cash aid, batay sa PNP.
Sakaling maharap sa kaduda-dudang sitwasyon kung saan hinihingi ang personal na impormasyon, agad na ipagbigay-alam sa pinakamalapit na police station.