• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Probe vs ‘cocaine user’ tuloy – PNP

Tuloy ang imbestigasyon sa isyu ng ‘cocaine user’ bagama’t nagboboluntaryo sa drug test ang mga presidential aspirants.

 

 

Ayon kay PNP chief, Gen Dionardo Carlos, idodokumento lamang nila ang  resulta ng  drug test  na magsisilbing ehemplo sa publiko.

 

 

Aniya, kailangan nilang  imbestigahan  ang alegasyon na nag-uugnay sa isang kandidato sa iligal na droga.

 

 

Dagdag pa ni Carlos,  suportado naman nila ang drug test kahit na hindi ito mandatory sa mga kumakandidato. Nakahanda aniya  ang  Forensic Group sa mga nagnanais na sumailalim sa drug test.

 

 

Matatandaang  ­ibinunyag ni Pangulong Duterte na may presidential aspirant na gumagamit ng  ‘cocaine’. Hindi naman pinangalanan ng Pangulo ang presidentiable.

 

 

Una nang  sumailalim sa drug test ang tandem nina Senator Ping Lacson at Tito Sotto na nagnegatibo.

 

 

Kahapon ay sumulat din sa Philippine Drug Enforcement Agency si Manila Mayor Isko Moreno  kaugnay ng kahandaan nito na sumailalim sa drug test. Sa kanyang liham sa PDEA sinabi ni Moreno na kailanman ay hindi siya tumikim ng cocaine, shabu  at ecstasy.

 

 

Lunes naman nang ihayag ni dating Senator  Bongbong  Marcos na sumailalim siya sa drug testing sa isang private hospital at negatibo ang resulta. (Daris Jose)