Private at public, walang pasok sa Maynila ng isang linggo
- Published on March 10, 2020
- by @peoplesbalita
IDINEKLARA na walang pasok sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong eskuwelahan sa Maynila sa gitna ng banta ng COVID-19.
Sinabi ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa kanyang Special Report, na kasalukuyang nasa London ngayon na inadopt na rin ng pamahalaang lungsod ang state of public health emergency base sa deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng kumpirmasyon ng Department of Health na may sampu nang kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan idineklara ang Code Red Sub Level 1.
Tinatawagan naman ng alkalde ang lahat ng principal sa lahat ng antas ng paaralan sa Maynila na wala munang pasok ng isang linggo simula Marso 9 hanggang Marso 15.
Hinikayat naman ng alkalde ang lahat ng barangay officials sa Maynila na makipag-ugnayan sa city government upang mag-tulungan laban sa Covid-19.
Ito ay bilang pag-iingat na rin sa posibleng pagkalat ng virus.
Nakiusap naman si Domagoso sa mga batang mag-aaral na limitahan ang social interaction at importanteng manatili muna sa kani-kanilang mga bahay at doon na lamang mag self-study dahil puwede naman ang online education.
Samantala, sinuspende na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang klase sa lahat ng antas sa buong National Capital Region mula bukas Marso 10 hanggang Marso 14 dahil sa Covid-19.
(Daris Jose)