Price ceiling para sa pork, chicken products sa NCR sa Pebrero 8 pa sisimulang ipatupad – Dar
- Published on February 3, 2021
- by @peoplesbalita
Sa Pebreo 8 pa magsisimula ang 60-day price cap para sa pork at chicken products sa Metro Manila, ayon kay Agriculture Sec. William Dar.
Inanunsyo ito ni Dar sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food patungkol sa pagtaas ng presyo ng pagkain.
Kahapon, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 124, na nagtatakda ng 60-day price freeze sa mga pork at chicken products sa Metro Manila.
Sa ilalim ng EO, ang price ceiling para sa kada kilo ng kasim at pigue ay P270, P300 kada kilo naman para sa liempo, at P160 kada kilo para sa dressed chicken.
Paglilinaw ni Dar, ang price ceiling para sa presyo ng karneng baboy at manok ay para lamang sa public markets.
Hindi kasama rito ang presyo sa mga supermarkets upang sa gayon ay mayroon aniyang mapagpilian ang mga mamimili.