• March 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Presyo ng basic goods, patuloy na minamanmanan ng DA sa mga pamilihan

PINATINDI pa ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) ang kanilang patuloy na price monitoring sa mga pangunahing bilihin sa iba’t ibang pamilihan sa Metro Manila.

Ito ay kasunod ng isinagawang pag-inspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. katuwang ang DA at DTI sa Agora Market sa San Juan City upang tiyakin ang sapat na suplay at tamang presyo ang mga pangunahing bilihin.

Ayon kay DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., oras na may napatunayang hindi makatarungang pagtaas ng presyo ng bilihin, handa silang magpatupad ng price control measures kabilang ang price ceiling, alinsunod sa umiiral na batas.

Anya, bagamat nauunawaan niya ang pagtaas ng presyo ng bilihin dulot ng tumaas na gastos sa transportasyon, hindi pinapayagan ng ahensiya ang pananamantala at hoarding ng mga pagkain tulad ng bigas, karne at mga gulay.

Tiniyak naman ng Kalihim na sapat ang suplay ng bigas at iba pang pagkain sa bansa, gayundin ang farm inputs.

Patuloy rin ang pagbibigay ng tulong ng ahensiya sa mga magsasaka upang mapababa ang gastos sa produksyon at maiwasan ang biglaang pagtaas ng presyo ng bilihin.