• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 9:58 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Presidential flood management commission, iminumungkahi na itatag

IMINUMUNGKAHI ni 1-TAHANAN Party List Rep. Nathaniel Oducado ang pagtatatag ng Presidential Flood Management Commission (PFMC) na naglalayong magkaroon ng malalim na pagsusuri at imbestigasyon kaugnay sa kontrobersiyal na flood control projects sa buong bansa.
Sinabi ni Oducado na ang kaniyang inilatag na panukala ay para magkaroon din ng isang mabilis na decision making at accountability sa mga isinagawang flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Kung saan, ang itatatag na komisyon ay sasailalim sa kapangyarihan at pamamahala ng Office of the President.
Ipinaliwanag nito na ang magiging kaibahan ng Presidential Commission (PFMC) sa isang “oversight function”. Ang isang Presidential Commission ay mayroong kapangyarihang magplano at maglatag ng mga solusyon sa Executive Department matapos nitong matuklasan ang mga naging sanhi ng problema sa mga flood control projects.
Ipinahayag pa ng kongresista na ang pangunahing layunin ng PFMC ay para tuluyan ng matuldukan ang problema at iregularidad sa mga flood control projects kasabay nito ang paglalatag ng mga plano para hindi na mangyari sa darating na hinaharap ang mga kapalpakan sa naturang proyekto.
“Last two weeks ago inilatag ko ang pagtatatag ng Presidential Flood Management Commission para maimbestigahan ng mas mabilis ang bagay na ito. At the same time maging mabilis ang decision making and accountability dahil under siya sa Office of the President and more importantly ang magiging difference kasi ng Presidential Commission to an oversight function. Sa Presidential Commission mayroon siyang planning afterwards, ang ibig sabihin after mong malaman ang problema puwede kang mag-suggest sa Executive Department ng mga solutions sa mga natuklasan mong problema,” sabi ni Oducado.
Ipinabatid ng neophyte Party List solon na natuklasan din nila na hindi coordinated ang mga invloved agencies sa flood control managment kung saan sila ay nagkakanya-kanya umano ng jurisdiction at planning kaugnay sa infrastructure ng flood control kasama dito ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) habang nakaligtaan naman isama o ikonsidera sa mga ahensiyang ito ang Department of Science and Technology  (DOST) at PAGASA para sa overall planning.
Idinagdag pa ni Oducado na kung ma-oorganisa ang PFMC. Kaya nitong buuin ang overall planning para maiwasan na ang iba’t ibang issue sa mga isinasagawang flood control projects sa buong bansa sapagkat bago ipatupad ang nasabing proyekto ay kinakailangan muna itong pag-aralan at pagplanuhan ng mga ahensiyang nakapaloob sa PFMC.
Ayon pa kay Oducado, may kapangyarihan din ang PFMC para sa isang fact finding at pagrerekomenda ng kaso na posibleng isampa laban sa mga sangkot sa palpak na flood control project.
Iminumungkahi din nito na ang dapat mamuno sa bubuuing PFMC ay sina Filipino Architect Felino Palaflox at dating DPWH Secretary Rogelio Lazo “Babe” Singson. (Vina de Guzman)