• November 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: November 22, 2025
    Current time: November 22, 2025 11:59 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Potensiyal na foreign-funded rallies, pagtataksil sa bayan- Malakanyang

“Pagtataksil sa bayan”
Ganito ilarawan ng Malakanyang ang report na may ilang anti-government rallies sa bansa ang maaaring sinuportahan ng foreign funding.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na mahigpit na mino-monitor ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kaganapan sa pakikipagtulungan sa Philippine National Police (PNP).
Nauna rito, sinabi ng AFP na tinitingnan nito ang posibilidad ng foreign entities ang pagpopondo ang kamakailan na anti-government protest actions sa bansa.
“Kung ito man ay may katotohanan, kapwa Pilipino kung, again, kung may katotohanan at makikita po sa kanilang pag-iimbestiga na foreign-funded itong kanilang isinasagawang rally, masasabi po nating ito ay pagtataksil sa bayan,” ang sinabi ni Castro.
“Hindi po nararapat ito na pinanghihimasukan tayo ng ibang bansa. Ang politika natin ay mukhang pinanghihimasukan na ng ibang bansa, so, hindi po maganda,” aniya pa rin.
Sa ulat, posibleng pinopondohan umano ng ‘foreign groups’ ang magarbong kilos protesta laban sa korapsyon sa flood control projects na isinagawa sa People Power Monument sa Quezon City .
Ito ang inihayag sa press briefing sa Camp Aguinaldo ni Acting AFP Spokesman at Navy Spokesman for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na naghihinalang ang dayuhang grupo ay mula sa China .
“And we are checking all possible leads especially when it comes to funding if these were done by domestic or maybe even, for all we know, foreign groups. We’re checking all possible leads,” ani Trinidad.
Ang anti-corruption rally sa PPM ay inorganisa ng United People’s Initiative (UPI) na pinangungunahan ni ret. Philippine Air Force Major General Romeo Poquiz.
Sa nasabing rally ay may ilang mga personalidad ang nanawagan ng pagbibitaw sa puwesto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. habang hinikayat rin ng mga ito ang AFP na kumalas na ng suporta sa punong ehekutibo na kanilang Commander in Chief.
Kabilang naman sa mga dumalo sa nasabing rally ay ilang mga retiradong heneral na naging malapit kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nakaditine sa The Hague, Netherlands kaugnay ng kasong crimes against humanity. (Daris Jose)