• April 19, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Posters sa private properties ‘di babaklasin kung batay sa adbokasiya – Comelec

HINDI babaklasin ng Commission on Elections (Comelec) ang mga poster ng  sinumang kandidato na binayaran ng pribadong indibidwal at ipinaskil sa sariling property kung ginawa ito batay sa adbokasiya.

 

 

Paliwanag ito ni Comelec Spokeperson James Jimenez sa La­ging Handa public brie­fing, bilang tugon habang patuloy pa sa ginaga­wang Oplan Baklas ope­rations sa mga poster ng kandidato na nakakabit sa private properties, kabilang ang murals, na pininturahan ng Comelec dahil sa oversized at hindi nakalagay sa common poster area.

 

 

Una nang inulan ng batikos ang Comelec sa nasabing pagbabaklas na labag diumano sa freedom of expression. Salungat din umano ito sa naging desisyon ng Korte Suprema sa naging kaso ng” Diocese of Bacolod vs. the Comelec”, na pumabor sa Diocese sa pagdi-display ng mas malalaking poster ng 2013 Senatorial bets na nagka-classify sa “Team Buhay” at “Team Patay” kaugnay sa mga pumabor at hindi sa Reproductive Health Bill.

 

 

“It depends on the material used. Kung ang ginagawa mo lang ay nilalabas mo lang iyong campaign poster ng kandidato, ibang usapan ‘yan. That is simple political campaigning na sabi ng Supreme Court, puwede i-regulate,” ani Jimenez.

 

 

“Pero kunyari, nagpagawa ka ng sarili mong banner, nagpahayag ka ng sarili mong adbokasiya and in the process, binanggit mo ang pangalan ng kandidato, maaa­ring makalusot pa ‘yan, kasi nga, adbokasiya siya,” aniya.

 

 

Una nang sinabi ni Jimenez na ang campaign posters na bina­yaran at inilagay sa pri­badong pag-aari ay kabilang sa election propaganda na dapat i-regulate.

 

 

Aniya pa, sinusuri na ng Comelec ang kanilang patakaran kaugnay sa mga apela hinggil dito. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)