Poll watchers bawal kumuha ng larawan ng balota, VVPAT
- Published on May 12, 2025
- by @peoplesbalita
NAGBABALA sa publiko ang Commission on Elections (Comelec) hinggil sa dalawang fake news na kumakalat ngayon online na nagsasabing may karapatan ang poll watchers na kunan ng litrato ang mismong Voter-Verified Paper Audit Trail (VVPAT) o voter receipt ng mga botante.
“Ang maaari lamang kunan ng litrato ng mga watchers ay ang proseso at ang insidente, kung mayroon man habang nagsasagawa ng Final testing and Sealing (FTS), Transmission, Printing ng Election Returns (ERs) at Proseso ng Pag-scan ng VVPAT,” paglilinaw ng Comelec.
Nilinaw din na tanging ang National Citizen’s Movement for Free Elections (NAMFREL) ang pinapayagan na mag-scan ng VVPAT para sa piling clustered precincts matapos ang botohan, consolidation ng resulta sa presinto, printing ng election returns at transmission sa iba’t ibang servers.
“Kailanman ay hindi naging legal ang pagkuha ng litrato ng balota at ng VVPAT dahil lumalabag ito sa ballot secrecy na Karapatan ng bawat botante,” ayon pa sa pahayag ng Comelec, na nagsabing mahaharap sa kasong election offense na may parusang kulong na hanggang anim na taon.
Nagpaalala rin ang poll body na ang mga nagpapakalat ng false at alarming information ay isang election offense sa ilalim ng Section 26 ng Omnibus Election Code.