PNP, pinaigting ang paglaban sa AI-assisted ‘love scams’
- Published on February 5, 2026
- by @peoplesbalita
SAMPUNG araw bago Valentine’s Day, mas pinaigting ni Philippine National Police (PNP) Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., ang mga hakbang laban sa tumataas na banta ng AI-assisted love scams.
Ayon kay Nartatez, pinalalakas ng Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang kakayahan nito laban sa cybercrime habang patuloy na gumagamit ang mga scammer ng mas makabagong sistema upang mabiktima ang mga Pilipino.
“The PNP is continuously strengthening its cybercrime units by enhancing our technical capabilities, specialized training, and inter-agency coordination. AI scams are evolving so we really need to step up in terms of improving the investigation skills and operational capability of our personnel,” ani Nartatez.
Sumasailalim sa tuluy-tuloy na pagsasanay ang mga tauhan ng PNP-ACG sa AI detection, deepfake analysis, at digital forensics para hadlangan ang mga umuusbong na uri ng love scams sa gitna ng artificial intelligence o AI.
Isinusulong din ng PNP ang pag-upgrade ng mga kagamitang panlaban sa cybercrime at mga kasangkapan sa imbestigasyon, habang pinaiigting ang koordinasyon sa iba pang ahensiya ng pamahalaan at civil society groups para mapabilis ang pagbabahagi ng impormasyon at ang agarang pagpapatigil sa mga operasyon ng scam.
Ipinaliwanag nila na gumagamit na ngayon ang mga scammer ng AI para lumikha ng mga pekeng identidad at mapanatili ang emosyonal na manipulasyon, dahilan para maging mas organisado at kapani-paniwala ang kanilang mga operasyon bago tuluyang mauwi sa pananamantalang pinansyal.
Anim sa mga laganap na uri ng love scam sa bansa ang kinabibilangan ng “Sad Boi/Sad Gurl”, “Seducer”, “Investor”, “Serviceman”, “Escort”, at “Slow Burn”, na bawat isa ay may kanya-kanyang pamamaraan para makuha ang tiwala at makahingi ng pera. (Richard Mesa)