PNP PINAG-IINGAT ANG PUBLIKO SA KUMAKALAT ONLINE NA FAKE AI VIDEOS
- Published on March 21, 2026
- by @peoplesbalita
PINAPAALALAHANAN ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas (PNP) ang publiko na maging mapagmatyag laban sa mga video na likha ng artificial intelligence (AI) na kumakalat online. Ang mga videong ito hindi lamang ang mga nagpapanggap na opisyal ng pulisya kundi pati na rin ang iba pang nakaliligaw na nilalaman, ay ginawa upang magmukhang totoo at madaling magkalat ng maling impormasyon.
Nagpapaalala sa lahat si Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., Chief PNP, “Ang ating layunin ay mapanatili ang tiwala ng publiko at siguraduhing tama at maaasahan ang bawat impormasyon. Huwag basta-basta maniwala o mag-share ng video o post na hindi galing sa opisyal ng PNP channels.”
“Hinihimok namin ang publiko na beripikahin ang impormasyon mula sa mga opisyal na mapagkukunan at mag-isip nang mabuti bago ibahagi. Ang inyong kooperasyon ay makakatulong upang protektahan ang integridad ng pulisya at ang kaligtasan ng ating mga komunidad,” dagdag ni PGEN Nartatez.
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng PNP Focused Agenda sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations, na nagpapalakas ng mga pananggalang laban sa maling impormasyon. Mahigpit na sinusubaybayan ng PNP sa pamamagitan ng Anti-Cybercrime Group ang mga aktibidad na ito na binuo ng AI at magsasampa ng mga kaukulang kaso laban sa mga lumalabag. (PAUL JOHN REYES)