PNP naka-heightened alert sa tigil-pasada
- Published on March 7, 2023
- by @peoplesbalita
NAKA-heightened alert ang Philippine National Police (PNP) kasabay ng isang linggong transport strike ng iba’t ibang transport organization simula kahapon, Lunes Marso 6..
Ayon kay PNP-Public Information Office chief Police Col. Red Maranan, nasa 80 porsiyento ng puwersa ng PNP ang ipakakalat at itatalaga sa iba’t ibang lugar upang ayudahan at bigyan ng seguridad ang mga commuters.
“Itataas natin ang ating alert status. Magpapakalat tayo ng mga police natin doon sa mga lugar kung saan sumasakay ang ating mga kababayan para makapagbigay tayo ng kaukulang seguridad sa ating mga kababayan,” ani Maranan.
Nabatid kay Maranan na ilalaan din nila ang kanilang mga mobile patrol para sa libreng sakay. Sisiguraduhin nilang maihahatid sa kanilang mga opisina at pinagtatrabahuhan ang mga commuters na walang masasakyan.
Babantayan at imo-monitor ng PNP ang mga lalahok sa transport strike upang matiyak na hindi manghaharass ang mga ito ng mga PUVs na patuloy sa pagbiyahe
Kasabay nito, pinayuhan naman ni Maranan ang publiko na manatili na lamang sa kanilang bahay kung walang importante pupuntahan.
Umaasa rin si Maranan na magiging payapa ang transport strike.