PNP, hihigpitan pagbabantay sa mga turista ngayong Yuletide Season
- Published on December 19, 2025
- by @peoplesbalita
TINIYAK ng Philippine National Police (PNP) na ipatutupad nila ang security measures para matiyak ang kaligtasan ng mga turista ngayong holiday season.
Ang paniniyak ay ginawa ni PNP Acting Chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez,Jr., matapos maglabas ang Canadian government ng travel advisory na nagbabala sa kanilang kababayan na maging alerto kung bibisita sa Pilipinas.
Sinabi ni Nartatez na nagsasagawa ang PNP ng mga proactive approach para maresolba ang pangamba sa krimen at iba pang banta sa seguridad sa mga pangunahing tourist destinations sa bansa.
“We take these travel advisories seriously. Patuloy po tayong nagbabantay sa mga lugar na may mataas na risk, at nakikipag-ugnayan kami sa iba’t ibang ahensya para maagapan ang anumang banta. Tourists should feel reassured that we are on alert and ready to respond 24/7 to any incident,” ani Nartatez.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa mga lokal na pamahalaan, tanggapan ng turismo, at mga stakeholder sa komunidad para mapanatili ang seguridad.
“Lagi naming sinisigurado na may sapat na police visibility sa mga tourist spots lalo na sa mga beaches, airports, at historical sites. Our goal is to make sure that visitors can enjoy the Philippines safely while respecting local laws,” dagdag pa ni Nartatez.
Pinalalawak naman ang mga programang nakabatay sa komunidad gaya ng neighborhood watch, mga safe zone, at mga volunteer guide para higit na maprotektahan ang mga bisita at matiyak ang maayos na koordinasyon sa panahon ng emergency.